Si Eastern Mindanao Command Chief Lt. Gen. Benjamin Madrigal Jr. ang napili ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Papalitan ni Madrigal si General Carlito Galvez na nakatakdang magretiro sa December 12 makaraang maabot ang mandatory age of retirement na 56.
Isinapubliko na rin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang appointment paper ni Madrigal na may lagda ng pangulo.
Si Madrigal ay graduate ng Philippine Military Academy (PMA) at miyembro ng “Sandiwa” Class of 1985.
Siya rin ang pinaka-senior sa hanay ng mga military officials na inirekomenda ng AFP board of generals bilang susunod na AFP Chief of Staff.
Bago ang kanyang assignment sa Eastmincom, si Madrigal ay naging commander rin ng Southern Luzon Command, assistant division commander ng 10th Infantry Division, at commander ng 4th Infantry Division ng Philippine Army.