UP at Ateneo maghaharap na sa finals ng UAAP Season 81 men’s basketball

Magsisimula na mamaya ang inaabangang harapan ng Ateneo de Manila at University of the Philippines sa finals ng UAAP Season 81 men’s basketball tournament.

Magaganap ang unang laro sa best-of-three finals series sa Mall of Asia Arena.

Makasaysayan ang larong ito para sa Fighting Maroons dahil ito ang kauna-unahan nilang pagpasok sa finals matapos ang 32 taon.

Susubukan ng UP na panatilihin ang kanilang momentum matapos ang makapigil-hiningang laban sa Adamson Soaring Falcons.

Ayon kay UP head coach Bo Perasol, aminado siyang malakas ang Ateneo ngunit hindi anya dahilan ito para hindi bigyan ng magandang laban ang kalaban.

Ang Ateneo de Manila naman ay susubok na makuha ulit ang kampeonato sa ikalawang sunod na taon.

Ito na rin ang ikatlong sunud-sunod na pagkakataong nakapasok sila sa finals ng torneo.

Aminado naman si Thirdy Ravena na kabado pa rin siya kahit ilang beses na siyang naging bahagi ng pagpasok sa finals ng Blue Eagles.

Read more...