Inakusahan ni Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) Chair Erineo “Ayong” Maliksi ang limang kapwa niyang mga direktor sa PCSO na pinamumunuan ni General Manager Jose Ferdinand Rojas II, ng pambabalewala sa report ng National Bureau of Investigation (NBI) pati ng panghaharang sa kaniyang mga panukalang reporma kaugnay sa mga Small Town Lottery (STL).
Iminungkahi ni Maliksi sa mga board members ng PCSO ang pagsuspinde muna ng operasyon ng 17 STL franchise holders at maging ang pagbibigay ng karagdagang mga prangkisa.
Ito’y hangga’t hindi pa nareresolba ang problemang lumabas sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).
Natuklasan sa nasabing report na ginagamit ng mga “jueteng” lords na ‘front’ ang STL upang ipagpatuloy ang kanilang iligal na gawain.
Sa parehong report din nakasaad na P50 bilyong halaga ng kita kada taon ang hindi ibinibigay ng mga STL operators sa PCSO sa pamamagitan ng hindi pagdedeklara ng tapat na kita.
Ngunit, sa halip na suspendehin ang operasyon ng mga STL, inaprubahan pa aniya ng mga board members ang dalawa pang lisensya sa Marinduque at Bohol noong August.
Bukod sa hindi pagpansin ng mga board members sa report ng NBI, kinwestyon pa umano ng mga ito ang kaniyang kapangyarihan para humingi ng tulong sa NBI.
Dahil sa pagka-pikon, sumulat si Maliksi kay Ombudsman Conchita Carpio Morales noong nakaraang buwan para hilingin na maimbestigahan si Rojas at iba pang matataas na opisyal ng PCSO-STL dahil sa umanong pagpayag nila na magamit ng mga jueteng lords ang STL.
Ipinanukala ni Maliksi na sa halip na provincial, gawin nang national o regional ang pagdaos ng tayaan sa STL katulad ng sa lotto, ipalabas sa telebisyon ang mga STL draws, ipa-record sa mga operators ang mga taya at kita sa pamamagitan ng mga hand-held gadgets o kaya sa opisyal na “papelitos” o betting forms ng PCSO, at pwersahin ang mga may hawak ng STL license na bayaran ang mga kakulangan sa kanilang kita base sa target ng PCSO.
Ani Maliksi, dapat ay kumilita ng P60 bilyon taun-taon ang STL, at hindi P4-7 bilyon katulad ng naitala noong nakaraang taon.
Para kay House committee on games chair Cavite Rep. Elpidio Barzaga, dapat dinggin ng mga board members ang apela ni Maliksi na suspendehin ang mga operasyon ng STL.
Ito’y dahil trabaho ng PCSO na tiyakin ang integridad ng mga operasyon ng STL at huwag hayaang mapasakamay ito ng mga taong hindi karapatdapat sa pagtataguyod nito.
Bukod sa kabiguang pangasiwaan ng maayos ang ahensya, inakusahan din si Rojas ng pangaabuso sa pondo ng PCSO sa pamamagitan ng madalas na pag-biyahe, pagka-antala ng pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga benepisyaryo, at ng centralization umano ng mga benepisyo sa piling matataas na opisyal.
Hindi pumalag si Rojas sa mga akusasyong ibinato sa kaniya ni Maliksi maliban lamang sa hindi pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga benepisyaryo, dahil sa katunayan aniya ay sobra pa ang naibayad ng PCSO sa Philippine General Hospital.