Gusto matiyak ni Pangulong Benignog Aquino III na magiging ‘flawless at seamless’ ang pagdaraos sa bansa ng APEC leaders summit.
Ayon kay Communications Secretary Sonny Coloma, sinabi ni Pangulong Aquino sa mga opisyal ng APEC 2015 National Organizing Committee na sa kabuuan, mas maganda kung rerebisahin ang lahat ng detalye ng preparasyon at ayusin ang mga dapat pang ayusin.
Naniniwala si Pangulong Aquino na sa ganitong paraan, makasisiguro na walang magiging aberya sa pagdaraos ng mga programa at pagpupulong sa lahat ng events sa susunod na linggo.
Kasama sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., at mga opisyal ng National Organizing Committee ng APEC, ininspeksyon ng Pangulo ang mga venue ng mga aktibidad sa APEC Week kabilang ang NAIA 1, 2, 3 at ang Kalayaan hangar area ng Villamor Air Base.
Maging ang Mall of Asia Arena at Philippine International Convention Center at sinilip din ni Pangulong Aquino kahapon.