‘Lahat tayo dapat sisihin sa sinapit ng mga lumad ‘- Tagle

 

Inquirer file photo

Ang buong sambayanan ang dapat na sisihin sa pinagdadaanan ng mga lumad sa kasalukuyan.

Ito ang pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle matapos itong bumisita sa mga lumad na namamalagi sa Liwasang Bonifacio kahapon.

Labis na ikinalungkot ni Tagle ang kinasapitan ng mga katutubo na aniya ay napilitang lumikas sa kanilang mga tinubuang lupa sa Mindanao dahil sa matinding hirap at takot.

Dahil dito, nananawagan ang arsobispo sa militar na lisanin na ang lugar ng mga lumad at pahintulutang bumalik ang mga ito.

Hinikayat din nito ang New People’s Army at AFP na ideklarang ‘peace zone’ ang mga lupain na tinitirhan ng lumad upang maging tahimik na ang kanilang pamumuhay.

Matatandaang November 2, nang magsimulang magtipun-tipon ang mga lumad sa Liwasang Bonifacio upang igiit sa pamahalaan na aksyunanan ang pananatili ng militar sa kanilang komunidad sa Mindanao.

Nakatakdang lisanin ng mga katutubo ang lugar ngayong araw matapos silang pagbawalan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na ipagpatuloy ang piket hanggang November 22.

Read more...