Tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na papanagutin sa batas ang pitong miyembro ng Las Piñas City Police na inireklamo ng robbery extortion at serious illegal detention.
Mariing kinondena ni NCRPO Director Guillermo Eleazar ang ginawa ng pitong pulis na kahapon ay kusang sumuko matapos silang masampahan ng patung-patong na mga kaso.
Ayon kay Eleazar, aminado naman ang pito sa kanilang ginawa at may mga dahilan silang binanggit kung bakit nila pinasok ang ilegal na aktibidad.
Tiniyak din ni Eleazar na personal niyang tututukan ang kaso para matiyak na mapapanagot ang mga pulis hanggang sa tuluyan silang matanggal sa pwesto.
Kaugnay nito ay pinasalamatan ni Eleazar ang publiko sa patuloy na tiwala sa PNP kasabay ng paghimok na magsumbong sakaling may makikita o makararanas ng katiwalian o pagmamalabis mula sa mga alagad ng batas.