Dismayado ang naturalized center na si Andray Blatche matapos itong hindi mapili para hanay ng mga manlalarong kakatawan sa Pilipinas para sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sa isang pahayag, sinabi ni Blatche na excited pa naman din siyang makasamang muli ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas matapos ang kanyang suspensyon.
Aniya, tinanggihan niya ang alok ng ilang mga koponan ng China para makapaglaro para sa national team.
Dagdag pa nito, bagaman suspended ay tiniyak niyang maayos ang kanyang pangangatawan at kundisyon para sa unang laro ng Gilas sa December 3.
Ngunit sa ilalim ng pamumuno ni Yeng Guiao sa koponan ay hindi napili si Blatche.
Ikinasama ng loob ng manlalaro ang unprofessional na pamamaraang ginawa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas tungkol sa sitwasyon, dahil ni wala sa mga ito ang kumausap sa kanya.
Aniya, nalaman lamang niya sa mga balita na hindi pala siya napili sa koponan.
Sinabi na pa ni Blatche na tila itinapon lamang ang kanyang dedikasyon at naging kontribusyon para makaabante ang Gilas sa World Cup.
Gayunman, sinabi ni Blatche na mananatiling bukas ang kanyang pintuan para sa posibilidad na makabalik sa national team.