Naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na ang kawalan ng kumpiyansa ng publiko sa pagpapabakuna ang posibleng dahilan ng pagtaas ng measles o tigdas sa bansa.
Lumalabas sa datos ng World Health Organization (WHO) na 367 percent ang itinaas ng kaso ng tigdas mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2017.
Ayon kay Secretary Duque, lubhang bumaba ang kumpyansa ng publiko sa immunization program ng DOH dahil sa Dengvaxia controversy.
Mula 92 percent ay dumausdos sa 33 percent ang tiwala ng publiko sa bakuna.
Mensahe naman ng public health expert na si Dr. Susan Mercado, hindi dapat katakutan ang bakuna sa tigdas dahil 95 percent itong epektibo.
Ani Mercado, matagal nang ibinigay sa mga kabataan ang bakuna sa tigdas.
Ang tigdas ay isang nakakahawang sakit na maaaring maipasa sa pamamagitan ng hangin.