Pinasok ng mga otoridad ang isang condominium unit sa San Juan City na pag-aari ng isang Korean national.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Director Guillermo Eleazar, sa pamamagitan ng isang search warrant ay hinalughog ng mga pulis ang condominium unit ni Jeong Hee Kim na una nang naaresto kahapon matapos ituro bilang chemist na gumagawa ng shabu.
Narekober mula sa unit ni Kim ang dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13 milyon, hindi pa batid na bigat ng mga kemikal na ginagamit ng suspek sa paggawa ng iligal na droga, tatlong timbangan, mga drug paraphernalia, at mga pera na tinatayang nagkakahalaga ng P450,000.
Nabatid na tatlong araw pa lamang namamalagi sa unit si Kim.
Napag-alaman pang kapwa bigtime at small time drug syndicate ang sinusuplayan ni Kim ng kanyang mga ginagawang shabu.
Una rito, naaresto ang isang half Pinoy, half-Chinese na si Marvin Yu na sangkot din sa pagtutulak ng iligal na droga.
Nang maaresto si Kim, nasabat din ng mga otoridad ang 650 kilo ng ephedrine na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon.