Droga at granada nakita sa loob ng sasakyan ng isang pulis sa Davao Oriental

Sa loob mismo ng sasakyan ng isang aktibong pulis narekober ng mga otoridad ang ilang kontrabando sa Barangay Central sa Mati City, Davao Oriental.

Nakilala sa kanyang naiwang pasaporte sa loob ng sasakyan ang pulis na si PO2 Luis Gabrinao, Jr. na nakadestino sa Island Garden City of Samal (IGACOS) Police Station.

Ayon kay Davao Oriental Police Provincial Office – Police Community Relations (DOPPO – PCR) chief Superintendent Ariel Nueva, nakitang tumatakbo ang SUV ni Gabrinao sa kahabaan ng Rizal Street sa naturang barangay.

Napansin nila ito habang nagsasagawa ng Oplan Davao Oriental Kalinaw dahil sa pekeng plaka ng sasakyan.

Sinundan ng mga pulis ang sasakyan ngunit nagpaharurot ng patakbo si Gabrinao, bago bumaba ng kanyang sasakyan at tumakbo papalayo.

Narekober sa loob ng SUV ang isang sachet ng shabu, dalawang plastic sachet na mayroong shabu residue, marijuana, digital weighing scale, mga drug paraphernalia, at isang fragmentation grenade.

Nabatid na noong 2014 ay natanggal sa Toril Police Station si Gabrinao dahil sa pagkakasangkot nito sa kalakaran ng iligal na droga sa lugar.

Tinutugis na ng mga otoridad ang pulis na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Read more...