Trillanes pinayagang bumiyahe sa Europe at US

Inquirer file photo

Pumayag na ang Makati Regional Trial Court na bumiyahe sa Europe at Amerika si Senador Antonio Trillanes IV.

Kaugnay ito ng hirit ng senador sa Makati RTC Branch 150 na pumunta sa Estados Unidos para dumalo sa ilang opisyal na aktibidad.

Gayunman, inutusan ni Makati RTC Branch 150 Presiding Judge Elmo Alameda si Trillanes na magbayad ng tig- P200,000 na travel bond sa biyahe nito sa December 11, 2018 at January 27, 2019 sa US.

Hindi pinagbigyan ng korte ang inihaing oposisyon ng Department of Justice sa hirit ng senador sa paniniwalang isa itong flight risk.

Iginiit ng DOJ na posibleng hindi na bumalik sa bansa si Trillanes dahil sa kinakaharap nitong kasong rebelyon sa Branch 150 at iba pang korte.

Pero ayon kay Trillanes, ang mga biyahe niya ay may kinalaman sa kanyang tungkulin bilang mambabatas at may permiso na mula sa liderato ng Senado.

Ikinatwiran ng mambabatas na binigyan na siya ng travel authority ng liderato ng Senado.

Magugunitang si Trillanes ay nahaharap sa kasong rebellion sa sala ni Judge Elmo Alameda ng Makati RTC Branch 150 kaugnay sa Manila Peninsula siege.

Sa kanyang mosyon, sinabi ni Trillanes na pupunta sina sa The Netherlands, Spain at United Kingdom simula December 11, 2018 hanggang January 12, 2019.

Nakatakda umano siyang mag-lecture ng “Democracy and rule of law in the Philippines” sa Universiteit Van Amsterdam.

Haharap rin siya sa ilang organisasyon sa nasabing mga bansa ayon sa kanyang liham sa hukuman.

Simula January 27, 2019 hanggang February 10, 2019 ay nakatakda naman siyang mag-ikot sa California, Washington at Maryland sa US.

Sinabi ni Trillanes na inimbitahan siya bilang speaker ng ilang mga organisasyon sa nasabing mga lugar.

Sa inihain niyang mosyon na may petsang November 19, 2018, humihirit si Trillanes na alisin ang kanyang hold departure order na inisyu ni Judge Alameda noong September 25.

Laman rin ng kanyang liham na dapat ay utusan ng hukuman ang Bureau of Immigration na ibigay ang kanyang mga kinakailangang dokumento sa gagawin niyang byahe sa labas ng bansa.

Read more...