Patong-patong na kaso ang kinakaharap ng news website na Rappler at CEO nito na si Maria Ressa sa Court of Tax Appeals.
Ito ay may kaugnayan sa paglabag sa National Internal Revenue Code (NIRC) dahil sa hindi pagbabayad ng tamang income tax at value-added tax.
Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na kinakitaan nila ng probable cause at makatwiran lamang na kasuhan si Ressa at Rappler ng paglabag sa batas dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis base sa reklamo ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Kinabibilangan ito ng hindi tama at maling impormasyon sa kanilang income tax return noong 2015 na nagkakahalaga ng P162,412,783.67.
Kasama rin sa kaso ang maling impormasyon at kakulangan sa quarterly value-added tax returns noong 2015 na nagkakahaga ng P70,184,204,57.
Kabilang rin sa kaso ang tax defficiencies para sa value-added tax return para sa third quarter of 2015 na umaabot naman sa P70,184,204,57.
Sa kabuuan, sinabi ng BIR sa kanilang reklamo na umaabot sa P133.84 Million ang kabuuang pagkakautang sa buwis ng Rappler at ni Ressa.