Panukala sa mas mahigpit na regulasyon sa mga dayuhang magtatrabaho sa bansa pasado sa 3rd reading sa Kamara

Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukala para sa mas mahigpit na regulasyon sa pagtatrabaho ng mga dayuhan sa bansa.

Sa botong 215 na YES at zero na NO lumusot ang House Bill 8368 na layuning amyendahan ang Labor Code of the Philippines.

Sa ilalim nito, susundin ang labor market test bilang basehan ng pagtukoy kung walang Pinoy na kwalipikado at handang gumawa ng trabaho kung saan iha-hire ang isang dayuhan.

Magkakaroon lamang ng exemption dito para sa sektor kung saan mabigat ang kakulangan sa manggagawang Pinoy.

Ang sinumang dayuhan naman na mabibigyan ng labor department ng employment permit ay obligadong ilipat ang kanilang skills at teknolohiya sa mga Pinoy sa loob ng itinatakdang panahon.

Hindi sila maaaring lumipat ng trabaho nang walang permiso mula sa DOLE.

Itinataas sa panukala ang parusa sa mga dayuhan at kanilang employer na lalabag sa labor laws.

Mula sa dating P50,000 ang multa gagawin itong P100,000 kung saan maari ding makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at maipadeport ang dayuhan kapag natapos ang sentensya.

Read more...