Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya na mismo ang haharap sa pamilya Parojinog kapag nakarinig pa ng isang insidente ng pananakot sa mga residente sa Ozamiz City.
Ayon sa pangulo, ayaw niya kasing patuloy na magsisiga-sigaan ang pamilya ng napatay na si Mayor Reynaldo Parojinog dahil sa ilegal na droga.
Kapag aniya nakahuli ang pulis ng mga drug suspect sa Ozamiz, kanyang ipakakain sa mga ito ang mga makukumpiskanh ilegal na droga.
Una rito, inatasan ni Pangulong Duterte si PNP chief Director General Oscar Albayalde na ibalik si Supt. Jovie Espinido sa Ozamiz na ngayon ay nakatalaga na sa Eastern Visayas.
Utos ng pangulo kay Espinido, ubusin sa mundo ang angkan ng mga Parojinog.
Matatandaan na noong nakaraan taon, pinangunahan ni Espinido ang pagsasagawa ng anti-illegal drug operation sa Ozamiz kung saan napatay si Mayor Parojinog at labing apat na iba pa.