Ikinabahala ng ilang sektor ang tapyas sa pondo ng Department of Health (DOH) sa gitna ng pag-apruba sa bicameral conference ng panukalang Universal Health Care.
Ayon sa may-akda ng panukala na si Senador JV Ejercito, ang panukalang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) sa DOH ay may bawas na P35 bilyon taliwas sa kanilang rekomendasyon.
Mahalaga aniya ang pondo para sa Universal Health Facilities Enhancement Program para magtagumpay ang implementasyon ng Universal Health Care.
Para naman kay Philhealth consultant Dr. Tony Leachon, dapat tiyakin na may mapagkukunan ng pondo para sa programa.
Mahalaga aniya ang panukala pero nakadepende pa rin ito sa pondo.
Sa ilalim ng Universal Health Care, lahat ng Pilipino ay magiging miyembro ng Philhealth kung saan mababawasan ang gastos sa pagpapagamot sa pampublikong ospital.
Ang kailangang pondo na P257 bilyon ay kukunin sa DOH, PAGCOR, PCSO, Philhealth at sin tax.