2 bugaw arestado sa Bulacan; 7 biktima nasagip

Inaresto ng mga elemento ng Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang dalawang bugaw sa loob mismo ng isang hotel resort sa Barangay Abangansur, Marilao, Bulacan.

Nakilala ang mga suspek na sina Divina May Gracia at Louie Reyes.

Nasagip din sa operasyon ang pitong mga kababaihan na biktima ng dalawang bugaw, karamihan sa mga ito ay mga estudyante pa.

Ayon kay Chief Inspector Francis Rodrin, hepe ng Intelligence and Investigation Section – WCPC Anti Trafficking in Persons Division, sa online nagaganap ang transaksyon at pambubugaw ng mga suspek.

Nabatid na sa pamamagitan ng social media ay doon ipinapakita ng mga bugaw sa kanilang mga parokyano at bagong customer ang litrato ng mga babae.

Napag-alaman pa na hindi lamang sa Marilao nag-ooperate ang mga suspek, kundi maging sa ibang bahagi ng Bulacan, maging sa Valenzuela City.

Ayon pa sa mga otoridad, mismong ang mga bugaw ang nagbibigay ng rekomendasyon kung saang motel o resort pwedeng dalhin ang mga babae.

Mahaharap sina Gracia at Reyes sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti Trafficking in Persons Act of 2003 na may kaugnayan sa Anti Child Abuse Law.

Read more...