Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa korte sa Makati na ibasura ang hiling ni Sen. Antonio Trillanes IV na makabiyahe sa Europe at Amerika sa susunod na 2 buwan.
Nakasaad sa oposisyon na isinumite ng state prosecutors sa Makati Regional Trial Court Branch 150 na ibasura ang motion to travel ni Trillanes dahil sa kawalan umano ng merito.
Ayon pa sa prosekusyon, flight risk ang Senador na nahaharap sa apat na kaso sa Makati RTC at limang reklamo sa prosecutor’s offices.
Argumento pa ng DOJ, hindi malayo ang posibilidad na tumakas si Trillanes na dating military officer na anila ay may paraan, resources at political connections.
Kapag pinayagan umano na makalabas ng bansa ang mambabatas ay posibleng hindi na ito mahabol at maaresto dahil wala na ito sa hurisdikyon ng ahensya.
Sa kanyang mosyon ay hiniling ni Trillanes sa korte na payagan siyang bumyahe sa Netherlands, Spain at United Kingdom mula December 11, 2018 hanggang January 12, 2019 at sa Estados Unidos mula January 27 hanggang February 19, 2019 para dumalo sa iba’t ibang aktibidad kabilang ang ilang talumpati.