Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan ang kandidatura ni Bohol
Congressman Arthur Yap na kakandidatong gobernador at makakalaban ni dating Cabinet Secretary Leoncio Evasco sa 2019 elections.
Sa talumpati kahapon ng pangulo sa pag-turn over ng AFP at PNP housing units sa Camp Rajah Sikatuna Carmen, Bohol, sinabi nito na hindi niya ieendorso ang kalaban ni Evasco.
Bagamat hindi pinangalanan, malinaw na ang tinutukoy ng pangulo ay si Yap.
Ayon sa pangulo, nakiusap sa kanya si Yap sa harap pa ng publiko na kung maaari ay itaas ang kanyang kamay at suportahan ang kanyang kandidatura.
Pero ayon sa pangulo, wala siyang nakikitang rason para suportahan si Yap dahil kailanman ay hindi sila naging magkaalyado at hindi rin naman tumulong sa kanyang kandidatura sa pagsabak noong 2016 presidential elections.
Ayon sa pangulo, malinaw na ang kanyang manok sa pagkagobernador ng bohol ay ang kanyang dating Cabinet Secretary na si Evasco.
Si Evasco ay dating pari, naging rebelde at naging campaign manager ni Duterte noong presidential elections.