Apela ni Imelda Marcos na i-akyat sa SC ang graft conviction, premature ayon sa Sandiganbayan

Para sa Sandiganbayan 5th division, “premature” ang “notice of appeal” ni dating Unang Ginang at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos.

Sa naturang apela ni Marcos na inihain noong November 26, 2018, nais niya na mai-akyat sa Korte Suprema ang hatol na “guilty” ng anti-graft court sa dating unang ginang ukol sa pitong bilang ng katiwalian kaugnay sa pagkamal ng pera at paglagay ng mga ito sa Swiss bank accounts noong administrasyon ng kanyang mister na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pakiramdam ni Marcos, mali ang hatol sa kanya ng korte kaya gusto niya na maipasa sa Korte Suprema ang mga rekord ukol sa kanyang kaso.

Subalit ayon sa 5th division ng Sandiganbayan, ang apela ni Marcos ay premature dahil hindi pa naman nareresolba ng korte ang kanyang “motion for leave of post-conviction remedies.” Ibig sabihin, hindi pa makakakilos ang korte.

Sa kasalukuyan, dinidinig pa ng Sandiganbayan ang inihaing motion for reconsideration.

Pansamantala namang malaya si Marcos makaraang maglagak ng P150,000 na piyansa, na inaalamahan naman ng mga anti-Marcos.

November 9, 2018 nang hatulang guilty ng Sandiganbayan si Marcos, na no-show sa mismong araw ng promulgasyon.

Read more...