Kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumigil na sa pagpunta sa simbahan ang mga Katoliko at magtayo na lang ng chapel sa bahay.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, pinuno ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itenerant People, iresponsable at walang puso ang sinabi ng pangulo.
Ang pahayag aniya ng pangulo ay walang saysay na naghahati sa mga tao at nagreresulta sa maling relihiyon.
Iginiit ni Bishop Santos na laging iginagalang ng Diyos ang desisyon at kalayaan ng mga tao at walang sinuman na dapat kumilos na parang Diyos.
Wala aniyang mas hihigit sa Diyos na magdidikta sa religious rights ng isang tao.
Dagdag ng Obispo, sinuman maski ang nasa pinakamataasn na posisyon sa bansa ay hindi dapat umaktong parang Diyos dahil magreresulta lang ito sa trahedya at magpapahiya sa kanyang sarili.
Nanindigan pa si Bishop Santos na ang tao ay may kalayaan sa relihiyon at sinuman na nasa tamang pag-iisip ay tatanggapin at igagalang ito.