Matapos ang isang buwang pagkaka-comatose sa ospital, pumanaw na si Marko De Guzman, ang pasahero ng naaksidenteng Grab car noong October 26.
Kinumpirma ito sa isang Facebook post ni Isabe Ocliasa, tiyahin ng biktima.
Si De Guzman ay isang 20-anyos na mechanical engineering student ng University of Santo Tomas na lubhang nasaktan sa aksidente.
Sa kwento ni Steffi De Guzman, pinsan ng biktima, mabilis ang takbo ng sinasakyang Grab car ni Marko nang bumangga ito sa isa pang kotse at sa poste ng Light Rail Transit (LRT).
Bukod dito ay inaantok pa umano ang driver ng Grab nang mangyari ang aksidente.
Nabasag ang bungo ni Marko dahilan para magdulot ito ng ‘severe traumatic brain injury’.
Lampas isang buwan na nasa kritikal na kondisyon ang biktima at namalagi sa intensive care unit (ICU) ng Manila Doctors Hospital.
Sa isang pahayag noong nakaraang linggo, binatikos ni De Guzman ang umano’y polisiya ng Grab na P200,000 lamang ang maximum budget para sa tulong na ibibigay sa mga pasahero at drivers ng naturang kumpanya.
Nagpasalamat naman si Ocliasa sa mga nanalangin at sumuporta sa pamilya para sa laban ni Marko.