Hindi alintana ni Angel Locsin ang kanyang spinal injury upang magbalik sa maaksyong teleserye.
Ito ay dahil bibida si Angel sa teleseryeng “The General’s Daughter” sa Kapamilya network.
2015 nang isiwalat ng aktres ang kanyang kundisyon, na nagbunsod para ipasa niya ang pagiging “Darna” kay Liza Soberano.
Sa panayam ng Inquirer, umamin si Angel na hindi na niya nagagaawa ang mga dati niyang action stunts kaya naman maingat siya at buong crew ng bagong teleserye sa pagshoot ng mga eksena.
Dagdag pa nito, tinitiyak niyang handa ang kanyang katawan bago sumabak sa taping, gaya ng pagpunta niya sa kanyang physical therapist bago ang mismong araw ng taping.
Agad din aniya siyang naglalagay ng cold compress matapos ma-shoot ang mga mahihirap na eksena.
Ibinida rin ni Angel na pinag-aralan niya muna ang kanyang gagampanang karakter bago tinaggap ang proyekto.
Kabilang sa kanyang immersion ay bumisita sa army camps kung saan kinausap niya ang mga sundalo roon.
Sinabi rin ng Kapamilya actress na kasama nila ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilang bahagi ng pagbuo sa teleserye.
Gaganap si Angel bilang isang army nurse sa “The General’s Daughter” kung saan makakasama niya sina Ryza Cenon, Paulo Avelino, JC de Vera, Arjo Atayde, Maricel Soriano, Janice de Belen, Eula Valdes, Albert Martinez, at Tirso Cruz III.