UP at Adamson kanya-kanyang preparasyon para sa do-or-die game ngayong araw

The pressure is on para sa University of the Philippines Fighting Maroons at Adamson University Soaring Falcons na magtatapat sa isang do-or-die game mamayang gabi para sa UAAP Season 81 men’s basketball.

Kung sino kasi ang mananalo sa dalawang koponan ay siyang makakatuntong sa Finals ng torneo at makakatapat ng Ateneo de Manila University Blue Eagles.

Upang maipakita ang school spirit, suspendido ang klase sa senior high school at college level sa Adamson, maging trabaho sa opisina, mula alas-12 ng tanghali.

Hinimok ng unibersidad ang lahat ng kanilang mga mag-aaral at empleyado na magtungo sa Araneta Coliseum upang suportahan ang laro.

Sa Facebook post ng Adamson, hinimok din ang kanilang mga taga-suporta na magsuot ng asul na Adamson U shirt.

Para naman sa UP, nais ng NowheretogobutUP Foundation na magkaroon ng third-party observers at gumamit ng teknolohiyang magmomonitor sa mga aksyon ng UAAP referees.

Ito ay matapos magkaroon ng 25 fouls ang Maroons sa una nilang Final Four playoff ng Adamson noong Linggo, habang 12 lamang ang sa kalaban.

Ayon pa kay NowheretogobutUP Foundation chairperson Atty. Agaton Uvero, dati nang nasuspinde ang referee ng laro na Ariel Bermeo noong 2010 dahil sa ‘bad calls’ sa laban ng UP at National University.

Bukod pa aniya ito sa pagkakatanggal ni Bermeo noong 2013 sa mga referee para sa PBA dahil sa kanyang lapses sa ilang mga laban.

Read more...