Nawalan ng kuryente ang bagong Bohol-Panglao International Airport habang nagbibigay ng talumpati si Pangulong Rodrigo Duterte sa inagurasyon nito kagabi.
Bago magbrownout ay kakaanunsyo lamang ng presidente na mayroon siyang sinibak na dalawang opisyal ng Office ot the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).
Agad na nagmadali ang Presidential Security Group na tiyakin ang seguridad ng pangulo.
Isang lalaki pa ang maririnig na hinimok ang presidente na pumunta muna sa holding room habang inaayos ang kuryente.
Nanindigan naman ang presidente na manatili sa pwesto.
Tumagal lamang ang brownout ng dalawang minuto at ipinagpatuloy ni Duterte ang kanyang talumpati.
Ang konstruksyon ng Bohol-Panglao International Airport (BPIA) ay sinimulan noong June 2015 at nagkakahalaga ito ng P8.9 bilyon.
Ito ang kauna-unahang ‘eco-airport’ ng bansa at inaasahang kayang tumanggap ng dalawang milyong turista at pasahero kada taon kumpara sa Tagbilaran Airport na may kapasidad lamang na 800,000.