11 na miyembro ng Gapos Gang at Akyat Bahay arestado sa Bulacan

Contributed photo

(UPDATED) Sa kulungan ang bagsak ng 11 na kawatan na hinihinalang mga miyembro ng Gapos Gang at Akyat Bahay sa magkahiwalay na operasyon ng mga pulis sa San Jose del Monte, Bulacan.

Unang naaresto sa Barangay Maharlika sina Gilbert Laxamana, John Jesus Laxamana, at Leonard Barrios.

Ayon sa mga otoridad, iniulat sa kanila ang isang kahina-hinalang puting van na nag-iikot sa isang subdivision sa Barangay Tungkong Mangga.

Nang berepikahin ang ulat, nagkahabulan sila ng van hanggang sa ma-corner at maaresto ang tatlo.

Sa pamamagitan ng isang followup operation, naaresto ang tatlo pang mga suspek na hinihinalang mga kasabwat ng unang tatlong naaresto.

Nakilala ang mga ito na sina Jerome Velasco, Marvin Patubo, at Ma. Buena Sedico.

Narekober mula sa mga ito ang isa pang puting van, dalawang flat screen TV, dalawang granada, 9mm na baril, kalibre .38 baril, ilang mga laruang baril, at mga tools.

Sa isa pang followup operation ay naaresto ang lima pang mga miyembro ng kanilang grupo na sina Rose Ann Sioson, Rachel Laxamana, Gemma Laxamana, Mikde Adoy, at Reginald Laxamana.

Nabatid na sangkot ang grupo sa serye ng nakawan at holdupping incident hindi lamang sa San Jose del Monte, ngunit maging sa mga bayan ng Sta. Maria at Guiguinto, at iba pang kalapit na bayan.

Sa ngayon ay nakapiit na ang 11 habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa mga ito.

Read more...