2 carnapper napatay sa engkwentro sa Quezon City

Contributed photo

Napatay ng mga pulis ang dalawang lalaking sinasabing magnanakaw ng motorsiklo at suspek din sa pagnanakaw sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.

Sa ngayon ay kapwa walang pagkakakilanlan ang dalawang mga suspek.

Ayon sa mga otoridad, gabi ng Martes nang makatanggap sila ng tawag mula sa isang biktima umano ng dalawang lalaki.

Ayon sa lalaking biktima, tinutukan siya ng baril ng mga suspek at pwersahang kinuha ang kanyang motor habang siya ay nasa kahabaan ng Dona Isaura Street sa naturang barangay.

Kasunod nito, isa namang ulat ng panghoholdup ang nakarating sa himpilan ng mga pulis. Ayon sa biktima, sakay ng motorsiklo ang dalawang armadong lalaki.

Sa pagsasagawa ng followup operation ng mga pulis ay namataan nila ang mga suspek sa kahabaan ng Villareal Street at doon na sila nagkahabulan matapos humarurot ng takbo ang mga suspek.

Nang ma-corner ang mga ito ay kapwa bumunot ng baril ang mga lalaki at pinaputukan ang mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga otoridad na nagresulta sa agarang pagkamatay ng mga suspek.

Narekober mula sa dalawa ang isang kalibre .38 at isang .45 mga baril.

Read more...