Negros provinces posibleng ilagay sa land reform

Ikinukonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay sa land reform ang buong Negros Island.

Sinabi ng pangulo sa mga mamamahayag sa Bohol na ito ay upang maresolba ang ‘piyudalismo’ o problema sa lupain na anya’y pangunahing problema sa lugar.

Matatandaang ipinag-utos ng presidente ang karagdagang tropa ng pulisya at militar sa Negros Oriental at Negros Occidental dahil sa naganap na masaker sa bayan ng Sagay na ikinasawi ng siyam na magsasaka.

Naniniwala ang pangulo na ang sanhi ng mga kaguluhan sa lalawigan ay lupain.

“I might declare the entire island as a land reform area. I’m studying that…because there’s a lot of trouble there and alam mo ito sa totoo lang I’m telling you now, the problem really is land,” ani Duterte.

Hindi anya mareresolba nang mapayapa ang mga problema kung hindi matutugunan ang problema sa piyudalismo.

“We cannot arrive at a peaceful resolution of this controversy if you do not address itong feudalism actually. That’s what happening there,” dagdag ng presidente.

Ayon pa sa pangulo, sinasamantala ng mga rebelde ang sitwasyon sa pagbuo ng mga pederasyon ng mga magsasaka na kalauna’y hahanap ng mga bakanteng lupain at iookupa ang mga ito.

Nauna nang itinuro ng presidente ang New People’s Army na nasa likod ng pagkakasawi ng siyam na magsasaka sa Sagay.

Read more...