Reporter ng DZRH na sinaktan sa loob ng Marikina PNP station pinalaya na

edmar estabillo
Kuha ni Erwin Aguilon

Nakalaya na Miyerkules ng umaga si DZRH Reporter Edwin Estabillo makaraan ang magdamag na pananatili sa loob ng kulungan ng Marikina City Police Station.

Ipinag-utos ng Marikina City Prosecutor’s Office ang pagpapalaya kay Establillo for further investigation kaugnay sa mga kasong unjust vexation, direct assault at simple disobedience na isinampa laban sa kanya ni SPO3 Manuel Layson ng Marikina PNP.

Magugunitang si Estabillo ay sinuntok, sinakal at pinosasan ni Layson makaraan silang magtalo nang pumasok ang mamamahayag sa himpilan ng pulisya para kumuha ng balita.

Hindi umano nagustuhan ng nasabing pulis ang pagkuha ni Estabillo ng ilang ulat sa police blotter dahilan para mauwi sa pananakit ang kanilang simpleng pagtatalo lamang.

Nakunan din ng CCTV ang nasabing pananakit na naganap sa mismong loob ng naturang police station.

Imbes na ipagkatiwala sa ibang mga pulis ang kaso, si Layson pa mismo ang sumulat ng report at nag-posas sa nasabing mamamahayag.

Kahapon din ay sinibak sa pwesto ang nasabing pulis pero inunahan niya ng pagsasampa ng reklamo si Estabillo kaya siya magdamag na nanatili sa kulungan.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Estabillo na inihahanda na ng kanyang kampo ang mga kasong criminal at administratibo laban sa naturang pulis.

Read more...