Nakalusot na sa appropriations committee ng House of Representatives ang panukalang batas na magdaragdag sa sweldo ng mga manggagawa sa gobyerno.
Dalawang araw matapos iendorso ni Pangulong Aquino ang House Bill 6268 o Salary Standardization Law of 2015 ay agad itong naaprubahan sa nasabing komite na pinamumunuan ni Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab.
Bago maaprubahan, nagkaroon pa ng debate sa pagitan nina Budget Secretary Butch Abad at ACT-Teachers party-list Rep. Antonio Tinio.
Pinagtalunan ng dalawa ang actual rate ng dagdag sahod para sa mga public school teachers at iba pang rank and file government employees.
Pumalag si Tinio sa aniya’y mala-abuloy na dagdag na sahod para sa mga kawani ng gobyerno sa susunod na apat na taon sa ilalim ng SSL 2015.
Giit ni Tinio, nakakapanlinlang ito para sa government employees dahil uutay-utayin o hahatiin sa apat na taon ang 11.89% na pay increase.
Lalabas din aniya na ang sahod na madadagdag sa mga public school teachers ay nasa 551.25 pesos lamang sa kada buwan sa loob ng isang taon o 24 pesos per day.
Pero ayon kay Abad, hiwalay ang wage increase at may dagdag din sa performance based bonus o PBB kaya malaki ang mate-take home pay ng mga nasa gobyerno.