Sa panayam ng Radyo Inquirer at Inquirer 990 Television, sinabi ni Rio na sa mga isinumiteng dokumento ng mga bidder tumutok ang DICT at pagsunod ng mga ito ng “terms of reference” para sa selection process.
Paliwanag ng kalihim, sampung buwan din nilang inilatag ang terms of reference para sa bidding process. Pati aniya mga kumpanyang naghayag ng pagnanais na lumahok sa selection process ay kasama sa naglatag ng panuntunan.
Kabilang sa mga panuntunan na iyon ay ang pagkakaroon ng sampung taong karanasan sa telecommunication business, P700 milyun pisong participation bond at pagkakaroon ng lokal na kumpanya na mayroong congressional franchise at foreign partners.
Ang mga panuntunan na iyon ayon kay Rio ay naisakatuparan ng Mislatel (Mindanao Islamic Telephone Company Incorporated) consortium kaya naging hudyat para sila ang piliin na ikatlong telco sa bansa.
Sabi ni Rio, ang isa sa foreign partners ng Mislatel na China Telecommunications Corporation ay mas malaki pa kumpara sa Globe at Smart telecommunications at kahit pa pagsamahin ang naturang dalawang kumpanya sapagkat aabot sa 260 Million ang subscribers nito sa China.
Kailangan na lamang aniya patunayan ng Mislatel na capable sila para magkompetisya sa kasalukuyang telcos sa bansa upang masustain nila ang kanilang operasyon sa bansa.
Mababawi kasi aniya ang P700M participation bond nito kapag hindi nila naisakatuparan ang ipinangakong teknolohiya sa bansa at aabot sa P25 billion ang posibleng mawala sa kanila kapag hindi na-attain ang commitment nito sa mga subscribers.
Isa sa mga ipinangako ng Mislatel ayon kay Rio ay ang pagkakaroon ng sariling cable landing na mag-uugnay sa north at southern part ng Pilipinas para sa mas mabilis na internet connection na hindi bababa sa 27MB per second.