Balik-trabaho na sa Kamara si COOP-Natco Rep. Anthony Bravo matapos masangkot sa bumagsak na Sokol military helicopter sa Crow Valley Reservation sa Capas, Tarlac.
Hindi pa makalakad ng maayos ng dumating sa Kamara si Bravo dahil sa iniindang sakit sa kaliwang tagiliran.
Ayon kay Bravo, wala naman dapat ikabahala sa kanyang kalagayan.
Ikinuwento rin ng mambabatas ang nangyari bago bumagsak ang military chopper na kanilang sinasakyan.
Bigla anyang umalog ang chopper, dalawapung talampakan ang taas mula sa landing area ng Crow Valley.
Hindi anya tuluyang bumagsak ang chopper sa bangin dahil naharangan ito ng malaking puno.
Kitang-kita anya nito ang pagkayupi ng chopper at ang paglusot sa mga sanga ng puno.
Napuno rin anya ng usok ang loob ng chopper at mabuti na lamang ay nabutas ang salamin nito kaya lumabas ito dahil nangamba siya na mamatay sa suffocation.
Kasama ni Bravo sa military chopper si dating House Secretary General Ceasar Pareja.
Ito na ang ikalawang beses na nasangkot sa aksidente si Bravo kung saan ang una ay sa car accident sa Quezon Province noong taong 2013.