Nasa loob na ulit ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Tomas.
Sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,410 kilometro Silangan ng Aparri, Cagayan.
Humina pa ito at taglay na lamang ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Sa ngayon isa na lamang ‘severe tropical storm’ ang bagyo na naunang pumasok sa bansa bilang isang ‘typhoon’.
Inaasahan namang pahihinain pa ng tuyo at malamig na hangin ng northeast monsoon o Amihan ang bagyo.
Posibleng matunaw ang bagyo bago pa man lumabas ng PAR.
Sa ngayon, nakataas ang gale warning sa hilagang baybayin ng Ilocos Norte, Batanes, Babuyan Group of Islands, Cagayan, Isabela, Aurora; Silangang baybayin ng Quezon kasama ang polilio Islands, Camarines Norte, Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Northern at Eastern Samar.
Ngayong araw, generally fair-weather ang mararanasan sa buong bansa.
Dahil naman sa Amihan, posible ang mahihinang pag-ulan sa Northern Luzon.
Sa nalalabing bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila, maalinsangan ang panahon na magkakaroon lamang ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.