Barangay kagawad arestado sa drug operation sa Iloilo

Arestado ang isang barangay kagawad matapos magsagawa ng buy bust operation ang mga otoridad sa Barangay Kasing-Kasing sa Molo, Iloilo City.

Nakilala ang suspek na si Gemma Calzado, 53 taong gulang na bukod sa pagiging barangay kagawad ay dating nanilbihan bilang barangay captain sa lugar.

Nabatid na kabilang si Calzado sa hawak na drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa katunayan ay nasa level 2 high-value target category ito ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa pulisya, limang buwan na nilang binabantayan ang mga galaw ng suspek dahil sa kanyang pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Sinasabing kabilang si Calzado sa drug group ng napatay na drug lord mula sa Western Visayas na si Melvin Odica, Sr.

Narekober mula sa naturang drug suspek ang siyam na sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10,000.

Read more...