Muling makikiisa ang Pilipinas sa Red Wednesday campaign, isang worldwide activity na layong itaas ang kamalayan ng mga mamamayan sa nagaganap na pang-uusig sa mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo.
Magaganap ito sa Miyerkules, November 28 kung saan iilawan ng kulay pula ang mga simbahan sa bansa bilang pakikiramay sa mga biktima ng Christian persecution.
Ayon sa Aid to the Church in Need (ACN), 75 porsyento ng religious persecutions ay nangyayari laban sa mga Kristiyano dahil sa tatlong kadahilanan: state-sponsored persecution; fundamentalist nationalism; at extremism na nangyari na rin sa Pilipinas sa kasagsagan ng Marawi crisis.
Sa isang cicular letter ni Rev. Fr. Reginald Malicdem, chancellor ng Archdiocese of Manila, inimbitahan ang bawat mananampalataya na makiisa sa aktibidad.
Isang misa ang gaganapin sa Manila Cathedral alas-6:30 ng gabi na susundan ng programa para sa pag-iilaw ng pula sa simbahan at pagdarasal para sa persecuted Christians.
Ang aktibidad na ito ay inendorso ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Inimbitahan ang lahat ng katedral, minor basilicas, mga national at diocesan shrines sa buong bansa na ilawan ng kulay pula ang kanilang mga simbahan.