Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, na dahil sa mata ng executive branch ay hindi kailangan ng senate concurrence ng EDCA, at sa panig naman ng senado ay sinabing kailangang maaprubahan nila ito, ay ang mataas na hukuman na aniya ang mag-iinterpret sa nasabing isyu.
“Sa mata ng Executive branch hindi kailangan ng senate concurrence, pero sa mata ng senado, kailangan ng senate concurrence. At dahil interpretation ng Constitution ang isyu, ang Supreme Court na ang dapat magsabi kung ano talaga,” sinabi ni Pimentel.
Sakali namang isumite ng Malakanayng sa Senado ang EDCA ay dadaan ito sa proseso gaya ng mga hearings bago pagbotohan kung aaprubahan o hindi.
Nilinaw naman ni Pimentel na hindi pinag-usapan sa botohan kahapon sa senado ang sigalot sa West Philippine Sea at sa halip ay pinanindigan lamang ng mga senador ang nakasaad sa Saligang Batas na ang mga treaty ay dapat isinusumite sa senado para sa approval.
“Ang EDCA ay international agreement na dapat isubmit sa Senado ng Executive branch para sa approval ng Senado, ibig sabihin kailangang dumaan ang EDCA sa Senado para maging valid,” dagdag pa ni Pimentel.