Ayon kay SPO3 Alex Ada ng QCPD Station 2, nakilala ang biktima na si Enrique Fresnido na tauhan ng DPOS.
Nasa kostodiya naman ng pulisya ang suspek na si Alex Batacan, security guard ng Banco de Oro sa Paramount Building sa West Avenue.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Ada naganap ang insidente sa panulukan ng West Avenue at EDSA sa Quezon City habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at DPOS ng lungsod sa mga kalsadang sakop ng “Mabuhay Lane”, Miyerkules ng umaga (November 11).
Ikakarga sana ng mga tauhan ng DPOS at MMDA ang motorsklo ni Batacan sa dala nilang truck dahil nakaharang ito sa “Mabuhay Lane”.
Tinangka umano ni Batacan na makiusap sa mga tauhan ng DPOS at MMDA pero hindi siya pinagbigyan, tinikitan ni Fresnido si Batacan na ikinagalit ng nasabing security guard.
Doon na bumunot ng baril ang security guard at saka pinaputukan si Fresnido.
Nagtamo ng tama ng bala ng caliber 38 sa ulo si Fresnido at namatay ito habang ginagamot sa Quezon City General Hospital.