Patay sa pamamaril ng riding in tandem ang isang tricycle driver na dati nang sumuko sa ‘Oplan Tokhang’ at pinili na sanang magbagong-buhay sa Barangay Rima-Rizal, Iloilo City.
Kinilala ang biktima na si Nestor Piagola Jr. 33, residente ng Barangay De La Rama.
Ayon kay Iloilo City Police Station 1 Chief Supt. Jonathan Pablito, naghihintay lamang ng pasahero si Piagola nang paulanan ito ng bala ng mga suspek na sakay ng isang itim na motorsiklo.
Graduate anya ang biktima ng drug rehabilitation program ng pulisya.
Ayon kay Pablito, hindi pa masasabing may kaugnayan sa droga ang kaso.
Sa panayam ng INQUIRER sa kaanak ng biktima na tumangging pangalanan, iginiit nito na mabait si Piagola na nakatapos naman anya ng rehab.
Si Piagola na ang ikalawang biktima ng pamamaril ng riding in tandem sa lungsod sa loob lamang ng linggong ito.
Noong November 20 lamang ay pinagbabaril din ang retiradong si SPO2 Rolando Alag.
Samantala, hihilingin ni Pablito sa lokal na pamahalaan at Land Transportation Office na higpitan ang mga batas tungkol sa mga motorsiklo na walang plaka.
Hindi anya matukoy ang mga suspek dahil ang gamit ng mga ito ay hindi rehistradong mga motorsiklo.