Nakasaad sa MO no. 32 na kailangang magdagdag ng pwersa ang AFP at PNP sa Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at Bicol Region para hindi na madagdagan pa ang mga mabibiktima ng karahasan.
Sa kanyang statement, sinabi ni Sison na maituturing ang MO no. 32 na deklarasyon ng isang national emergency. Panimula rin aniya ito ng pagsira sa 2019 elections, pagsusulong ng Charter Change o Cha-Cha para sa umano’y bogus federalism at pagkakaroon ng mala-Marcos na diktadurya.
Ayon kay Sison, ang “lawless violence” na nangyayari ngayon sa Pilipinas ay monopolya umano ng AFP at PNP.
At mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang lumikha ang lawless violence sa ilalim ng Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan, para sa mas brutal na military at police operations at upang mabigyang-katwiran ang martial law sa buong bansa.
Dagdag ni Sison, ang MO no. 32 ni Duterte ay tila pag-amin na malakas ang New People’s Army, hindi lamang sa Mindanao kundi sa iba pang parte ng bansa, taliwas sa sinasabi ng AFP at PNP na nalalapit na ang katapusan ng rebeldeng grupo.
Tiniyak naman ni Sison na ang NPA ay maglulunsad ng dagdag na tactical offensives sa buong bansa.