Panukalang batas para gawing National Polytechnic University ang PUP aprubado na sa komite sa Senado

Inaprubahan na ng Senate education, arts, and culture committee ang panukalang batas na naglalayong itanghal ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) bilang pinakamalaking state university sa bansa at gawin itong National Polytechnic University.

Kasabay ng pag-abruba sa Senate Bill 2037, hiniling ni Senator Francis Escudero, chairman ng komite sa PUP na magsumite ng datos sa road map na sinusunod ng ibang mga bansa sa pagdedeklara ng mga national universities.

Nais ni Escudero na malaman ang kaibahan ng National University status na ipinagkaloob sa University of the Philippines at Mindanao State University kumpara sa National Polytechnic University status na hinihiling ng PUP.

Ayon kay PUP President Emmanuel de Guzman kapag naideklara nang National Polytechnic University ang PUP magkakaroon na ito ng institutional at fiscal autonomy, kapareho ng sa UP.

Magkakaroon din ng laya ang PUP na magkaroon ng academic program sa ilalim pa rin ng konsultasyon sa Commission on Higher Education.

Ayon sa PUP, kung sa populasyon ng mga mag-aaral ang pag-uusapan, ang PUP ang maituturing na pinakamalaking state university sa bansa.

 

Read more...