Sa ikasiyam na anibersaryo ng Maguindanao massacre, ibinunyag ni Gov. Esmael Mangudadatu na inalok siya ng P100 milyon para umatras sa pagsusulong ng kaso.
Ang tangkang “pag-ayos” sa kaniya para huwag nang ituloy ang kaso ay ibinunyag ni Mangudadatu kay Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar sa pagtungo doon ng opisyal.
Kasama ni Adanar na nagtungo sa bayan ng Ampatuan si Usec. Joel Egco ng Presidential Task Force on Media Security.
Inialok aniya sa kaniya ang pera pagkatapos lamang maisampa ang mga kasong kriminal laban sa mga pinaniniwalaang mastermind ng masaker na sina dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. at anak niyang si Andal Jr.
Tinukoy ni Mangudadatu ang ipinadalang lalaki para bigyan siya ng P100 million na si Ariel Galindez.
Matapos umano niyang makausap si Galindez at tanggihan ang alok nito ay nasawi ito sa aksidente.