Sa pambihirang pagkakataon, pumasok sa senado si Senador Miriam Defensor Santiago para magbigay ng kanyang sponsorship speech ukol sa Enhanced Defense Cooperation Agreement.
Paliwanag ni Santiago, unconstitutional ang EDCA dahil kinakailangan may concurrence muna ng senado ang anumang treaty na papasukin ng Pangulo ng bansa.
Kapag wala aniyang concurrence ng senado, magiging invalid at ineffective ang anumang kasunduan gaya ng ginawa ng Pangulong Benigno Aquino III na ilatag ang EDCA sa Amerika.
12 senador ang lumagda sa resolusyon ni Santiago na nagpapahayag ng pagtutol sa EDCA.
Pero para kay Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, tutol siya sa panukala ni Santiago.
Batid naman aniya ng lahat na walang kakayahan ang Pilipinas para labanan ang ibang bansa na nagtatangkang sakupin ang Pilipinas gaya ng China.
Ayon kay Enrile, laway lamang ang maaring ipantapat ng Pilipinas sa China.
Iginiit ng senador, na dapat ang mga maiingay ang dapat na pahawakin ng armas at paharapin sa mga bansang magtatangkang manakop sa Pilipinas.
Para kay Senador Antonio Trillanes IV, sinabi nito na hindi isang treaty ang EDCA.
Wala naman aniyang bagong rights o obligasyon ang binuo o ginawa sa ilalim ng EDCA.
Pero nang isalang sa botohan sa plenaryo ng senado, nanalo si Santiago sa botong labing apat, habang dalawa ang nag-abstain at isa ang kumontra.
Ibig sabihin, mangangailangan muna ng bendisyon ng senado ang EDCA na kasunduan ng Pilipinas at Amerika.
Matatandaang mahigit isang taon nang naka medical leave si Santiago dahil sa sakit na stage 4 lung cancer.