Hindi na tatakbo bilang alkalde ng Iligan sa 2016 elections si Rep. Vicente Belmonte Jr.
Nauwi si Belmonte sa pinal na desisyong ito dahil umano sa mga natatanggap niyang banta sa buhay.
Ayon kay Belmonte, bukod sa ayaw niyang mailagay sa kapahamakan ang kaniyang buhay, ayaw rin niyang may madamay pa na mga kasamahan niya sa Liberal Party (LP).
Naniniwala kasi si Belmonte na oras na magsimula na ang kanilang pangangampanya, mas bukas sila sa delikadong sitwasyon at maaari pang madamay ang mga kapartido niya.
Matatandaang noong Disyembre ng nakaraang taon, nakaligtas si Belmonte sa pananambang na hinihinalang kagagawan ni Mayor Celso Regencia na pinabulaanan naman ang mga alegasyon sa kaniya.
Hinahabol pa umano siya hanggang ngayon ng 15 suspek sa pananambang na nananatiling malaya at hindi pa nahuhuli.
Bago siya magdesisyon na i-withdraw ang kaniyang certificate of candidacy, kinausap muna niya ang kaniyang pamilya at mga kapartido, maging si acting Mayor Ruderick Marzo para humalili sa kaniyang kandidatura.
Tatakbo sanang kongresista ng Iligan City si Marzo, kung saan makakalaban niya ang dating mayor na si Lawrence Lluch Cruz, pero ayon kay Belmonte, nagkasundo na silang dalawa.
Gayunman humingi muna si Marzo ng karagdagang panahon pa para kumbinsihin ang kaniyang pamilya at timbangin kung gusto ba talaga siya ng mga tao na tumakbo bilang alkalde.
Giit ni Belmonte, mas maigi rin na tahakin na lamang ni Marzo ang laban sa pagka-alkalde dahil miyembro rin naman ng LP si Cruz.