Nauwi sa engkwentro ang entrapment operation na ikinasa ng mga otoridad laban sa dalawang suspek na sangkot sa pang-aagaw ng mga motorsiklo sa Quezon City.
Ikinasa ang operasyon alas 2:15 ng madaling araw ng Biyernes, Nov. 23 saKalamiong Street sa Barangay Payatas.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng sumbong ang station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) mula sa isang biktima matapos na pwersahang kunin umano sa kaniya ang kaniyang motorsiklo ng apat na lalaking suspek, Huwebes ng gabi sa Barangay Holy Spirit.
Pagsapit ng alas 8:00 ng gabi, nakatanggap ng text ang biktima mula umano sa mga suspek kung saan hinihingian siya ng pera upang maibalik ang motorsiklo.
Doon na nagkasa ng entrapment operation ang mga otoridad kung saan isang pulis ang nagpanggap na kapatid ng biktima para iabot kunwari ang pera.
Nang matanggap ang pera natunugan ng mga suspek na undercover police officer ang kaniyang katransaksyon kaya nauwi na sa engkwentro ang operasyon.
Nasawi ang mga suspek na sina alyas “Black Jack” at alyas “Asiong”.
Nakuha sa kanila ang isang calibre 45 pistol na may mga bala, isang calibre 38 revolver na mayroon ding mga bala, apat na sachet ng hinihinalang shabu, isang cellphone, sling bag, motorsiklo, at P15,000 na boodle money.