Sigalot sa West PH Sea, hindi uungkatin sa APEC summit

Malacañang photo

Hindi magiging bahagi ng talakayan sa nalalapit na APEC Leaders Meeting ang agawan ng teritoryo sa pagitan ng China at Pilipinas sa South China Sea o West Philippines Sea.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Benigno Aquino III kay Chinese Foreign Minister Wang Yi na bumisita sa palasyo bilang bahagi ng preparasyon sa nalalapit na pagpupulong ng mga lider na kabahagi ng APEC sa susunod na linggo.

Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Charles Jose, ‘hindi proper forum’ ang APEC leaders meeting para talakayin ang West Philippine Sea dispute at may pormal nang kaso ang Pilipinas na nakahain sa arbitral tribunal ukol dito.

Mananatili rin aniyang isang magalang at kagalang-galang na punong-abala ang Pilipinas sa panahon ng APEC summit kaya’t gagawin nito ang lahat upang matiyak na magiging maganda at maayos ang pananatili ng mga bibisita sa bansa na lalahok sa naturang okasyon.

Una nang hiniling ng panig ng China na kung maari, alisin sa agenda ng pagpupulong ang isyung agawan ng teritoryo sa West Philippines Sea.

Una nang kinumpirma ng China na dadalo sa APEC Summit si Chinese President Xi Jin Ping.

Read more...