Tiniyak ng Palasyo ng Malacañan na ginagawa na ng Department of Justice (DOJ) ang lahat ng makakaya nito para mapabilis ang prosekusyon sa mga akusado sa Maguindanao massacre.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag sa bisperas ng ika-siyam na anibersaryo ng Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang pinatay, 32 sa mga ito ay kagawad ng media.
Ang pamilya ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr. ang itinuturong suspek sa masaker.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, patuloy na pagsusumikapan ng Palasyo na mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng masaker.
Aminado si Panelo na sadyang may mga kaso na natatagalan ang pagbibigay ng hustiysa.
Pero ayon kay Panelo ang mahalaga ay mananaig ang rule of law kahit sino pa man ang taong sangkot sa alinmang kaso.
Matatandaang kamakailan lamang ay natapos na ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang pagdinig sa 2009 massacre case.