Sinibak sa puwesto ang Provincial Director ng DILG ng lalawigan ng Isabela at tatlo pang opisyal ng kagawaran dahil sa pagkabigong makuha ang ‘zero casualty rate’ nang salantain ng bagyong ‘Lando’ ang lalawigan noong nakaraang buwan.
Ayon sa memorandum ni Interior Undersecretary Erwin Enrile, kabilang sa mga inalis sa tungkulin sina Isabela Director Elpidio Durwin at mga local government operation officer Enrique Laggui ng bayan ng Tumauini, Lakambini Salvacion Cayaba ng San Mariano at Vicente Sarangay ng bayan ng Cabagan.
Ang pagsibak sa puwesto sa apat na opisyal ay dahil umano sa mga kaso ng pagkamatay ng ilang residente sa mga naturang bayan sa kabila ng direktiba ng DILG at NDRRMC na paghandaan ang epekto ng bagyong Lando.
Sa tala ng DILG, may tatlong namatay sa bayan ng Cabagan at Tumauini matapos umapaw ang tubig sa mga ilog sa naturang lalawigan.
Matatandaang noong October 21, ilang araw matapos tumamam ang bagyo, sinibak ni Interior Secretary Mel Senen Sarmiento ang hepe ng PNP Benguet dahil sa umabot sa 14 ang namatay sa lalawigan sa kasagsagan ng bagyo.