Ayon kay Gaudioso Arnejo Sumandi, 24 taon nang empleyado ng PECO at nagsisilbing lineman at trouble shooter, na mismong siya ay hindi na nakatiis sa palpak na pamamalakad sa kumpanya kaya pinangunahan na niya ang paghingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng 8888 Citizens’ Complaint Hotline upang ipaabot sa Malacañang ang problema sa PECO.
Agosto 12, 2018 nang iparating ni Sumandi ang reklamo sa Malacañang na ang tanging hangarin ay mapaabot umano kay Duterte ang kanilang sitwasyon at makapagsagawa ng imbestigasyon.
Sinabi ni Sumandi na maraming mga manggagawa ang nais na magreklamo sa pamamalakad ng PECO subalit hindi nila ito magawa dahil karamihan na sa mga empleyado ng kumpanya ay mga kontraktuwal, gaya sa operation department ay siya na lamang ang nag-iisang regular employee at lahat ay kontraktuwal na.
Inamin nito na nababahala siya sa linya ng kuryente ng PECO dahil sa overloading at kung hindi ito matutugunan ay malaking panganib ang maaaring idulot nito, may ilang pagkakataon na umano na nagkakaroon ng sunog dahil sa pag-iinit ng kable dala ng overloading, maswerte lamang na agad nila itong naapula kaya walang nagiging malaking pinsala.
May batayan din umano ang reklamo ng mga residente na palagian ang brownout na nararanasan, ito ay dahil ang mga linya ng kuryente ay putul-putol na karaniwang pinagdugtong lamang nila at ginawan ng paraan para magkailaw ang mga residente.