Marami ang naiulat na sugatan makaraang bumagsak ang isang helicopter sa isang bangin sa Crow Valley military reservation sa bayan ng Capas, Tarlac pasado alas-dos ng hapon.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, sinabi sa report ng Police Regional Office 3 (PRO3) na kasama sa mga sugatan sina Coop-NATCCO Rep. Anthony Bravo, House of Representative Secretary-General Atty. Ceasar Pareja, Baltazar Reyes, isang nagngangalang Col. Baybayan, Daisy De Lima, Romeo V. Almonte, 1st Lt. Melvin Betia, at Edilberto M. Mandap.
Sinasabi sa ulat na pababa na sa landing deck ang PZL W-3 Sokół chopper nang biglang mawalan ng kontrol ang piloto nito na naging dahilan kaya ito nahulog sa kalapit na bangin.
Laman rin ng ulat na naputulan ng braso ang piloto ng chopper pero hindi ito pinangalanan sa report.
Mabilis namang isinugod sa mga pagamutan ang mga sugatang biktima.
Nakasakay naman sa isa pang helicopter si Sen. Ralph Recto nang mangyari ang insidente.
Magugunita na noong 2013 ay bumili ang Philippine Air Force ng walong Sokol Helicopter mula sa Poland na nagkakahalaga ng P2.8 Billion.
Bahagi ito ng modenization plan ng Philippine Air Force.
Noong August taong 2014 ay isa sa mga chopper na ito ang bumagsak sa sa Lanao Del Sur at kasama sa mga sugatang pasahero si dating 4th Infantry Division Commander Ricardo Visaya na kalaunan ay naging pinuno ng Armed Forces of the Philippines.
Noong November 8, 2016 ay pansamantalang iniutos ng liderato ng PAF ang pagpapatigil sa paggamit ng lahat ng mga natitirang Sokol chopper makaraang mag-crash ang isa sa mga ito sa Puerto Princesa City sa Palawan kung saan umaabot sa labingdalawa katao ang naireport na sugatan.