Tiniyak ng Malacañang na hindi pa legally binding ang nilagdaang memorandum of understanding ng China at Pilipinas para sa oil and gas development sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, dahil sa hindi pa legally binding ang MOU ay maari pang umatras ang Pilipinas kapag naging dehado sa hatian ang bansa sa mga makukuhang langis sa lugar.
Sa ngayon ang MOU ay isang agreement to agree ng China at Pilipinas.
Sa ilalim aniya ng batas sa Pilipinas, mayroong tinatawag na recision of contract o pagpapawalang bisa sa kontrata.
Sinabi pa ni Panelo na dahil sa MOU pa lamang ang nilagdaan, nangangahulugan ito na nasa proseso pa lamang ang dalawang bansa sa paglalagay ng mga guidelines.
Masyado pang maaga ayon sa kalihim na maituring na unconstitutional ang MOU dahil patuloy pa naman ang ginagawang negosasyon ng Pilipinas at China.
Tiniyak pa ni Panelo na magiging paborable sa Pilipinas at hindi lamang sa China ang naturang kasunduan.
Una nang sinabi ni Chinese President Xi Jinping sa bilateral agreement na laging nakasandal sa mutual respect, mutual fairness at irerespeto ang soberenya sa anumang pag uusap na gagawin ng dalawang bansa.