Ayon sa ruling, maaari nang isailalim sa judicial review ang Ombudsman kaugnay sa mga imbestigasyon nito sa mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Pero, nakasaad din sa ruling na sinumang opisyal na mapapatunayang may sala, ay hindi na maaaring sumabak sa reelection para makalusot sa kaniyang administrative liabilities.
Ito ang resolusyon ng Korte Suprema sa apela ni Morales na itigil ng Court of Appeals (CA) ang pagdinig sa petisyon ng nakababatang Binay laban sa kaniyang pagkakasuspinde dahil sa overpricing ng Makati City Building II.
Nagbotohan ang mga mahistrado ng Korte Suprema upang ma-invalidate ang Section 14 Ombudsman Act of 1989.
Ayon dito, walang korte ang maaaring maghain ng writ of injunction laban sa Office of the Ombudsman, at maging “appeal of application for remedy” sa anumang desisyon na ilalabas nito.
Bilang resulta, binigyan ng mga mahistrado ang mga korte ng kapangyarihan para suriin ang mga rulings ng Ombudsman, ngunit maaari lamang nila itong gawin kung ‘grave abuse of discretion’ lamang ang reklamo laban sa Ombudsman.
Ibinalik na ng Korte Suprema sa CA ang kaso, bilang pagbibigay-hudyat na ipagpatuloy na ang pagtukoy kung totoo na nagkaroon ng pang-aabuso sa panig ni Morales nang suspendihin nito si Binay sa maanomalyang Makati City Hall Building II.
Samantala, inabandona naman ng Kataas-taasang Hukuman ang ‘condonation doctrine’ na tila nagbubura sa mga administrative liabilities ng isang opisyal ng gobyerno sakaling nakagawa ito ng mali sa pamamagitan ng pagsabak sa reelection.
Ang nasabing doktrina ang iginiit ng kampo ni Binay, dahil hindi na umano pwedeng habulin ang alkalde sa mga iregularidad na naitala noong nagdaang termino dahil siya ay nahalal muli bilang alkalde ng Makati.